PAGBABANTAY SA SEMENTERYO NGAYONG UNDAS, TUTUTUKAN NG PNP CAUAYAN

Nakahanda na ang pamunuan ng Cauayan City Police Station sa pagbabantay sa mga sementeryo ngayong Undas.

Sa ating panayam kay PLtCol Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na nakalatag na ang kanilang ipapatupad na security measures para sa ligtas Undas sa Siyudad.

Popostehan ng tig-apat na pulis sa bawat malalaking sementeryo na ipupuwesto sa harapan o gate ng sementeryo na magsisilbing Public Assistance Desk.

Ito ay para matignan ang lahat ng mga papasok sa loob ng sementeryo at masuri rin ang kanilang mga bitbit.

Ayon sa hepe, mahigpit nilang ipagbabawal ang pagdala ng mga nakalalasing na inumin, patalim o anumang matutulis na bagay, speaker o anumang kagamitan na nagdudulot ng ingay at baraha o anumang gamit sa pagsusugal.

Inihayag rin ng hepe na bagamat magpopokus sila sa pagbabantay sa mga sementeryo ay mananatili pa rin ang kanilang routinary activities lalo na’t mayroon pa rin aniyang nananamantalang kawatan sa panahon ng Undas.

Sapat naman ang pwersa ng PNP Cauayan para gampanan ang pagbabantay hindi lang sa mga sementeryo kundi sa buong nasasakupan nito.

Kaugnay nito, nakipag ugnayan na isi PltCol Sherwin Cuntapay sa pamunuan ng POSD, Rescue 922 at sa LGU Cauayan para sa tulong-tulong na pagbabantay upang makamtan ang maayos at ligtas na Undas.

Facebook Comments