San Agustin, Isabela- Mahigpit ngayon ang ginagawang pagpapatupad ng PNP San Agustin sa alituntuning may kaugnayan sa pagbabawal na magbilad ng mga mais, palay at iba pang produktong pang-agrikultura sa mga lansangan lalo na sa kanilang nasasakupan.
Ito ang ibinahaging impormsyon ni SPO4 Jay Eric Juan sa RMN Cauayan sa kanyang naging pakikipag-ugnayan sa programang Sentro Serbisyo.
Aniya, kahit umano marami na ang nagagalit sa kanila ay hihigpitan umano ng mga ito ang pagpapatupad dito dahil aniya ay ito parin ang alituntunin na dapat na sundin at isa din ito sa paraan upang maiwasan ang mga aksidente sa mga lansangan na dulot ng mga nakaharang sa mga daan.
Sa ngayon ay maganda naman umano ang pagtugon ng mga magsasakang at wala na din umanong mga nakikitang nagbibilad sa mga kalsada.
Ayon pa kay SPO4 Juan ay pangunahin umano sa mga naitatalang insidente sa kanilang nasasakupan ay mga disgrasya sa daan kung kaya’t patuloy naman nilang ipinatutupad ang mga batas na dapat sundin samantalang sinabi din nito na bumaba na sa ngayon ang bilang mga naaaksidente sa kanilang bayan.