Ilang araw bago sumapit ang Bagong Taon, muling iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian ang kanyang isinusulong na ipagbawal ang pagbebenta, distribusyon at paggamit ng firecrackers at iba pang pyrotechnic devices.
Giit ni Gatchalian, bagama’t malaki ang naging kabawasan sa bilang ng mga insidente ng mga napuputukan tuwing New Year dahil sa mas pinaigting na regulasyon ng gobyerno, mas mainam naman kung tuluyang maibaba kung hindi man tuluyang mawala ang mga fireworks-related injuries.
Ito’y sa pamamagitan ng pagbabawal sa sinumang indibidwal o business establishment na gumawa, magbenta, o mamahagi ng firecrackers o pyrotechnic devices maliban lamang sa mga awtorisadong fireworks displays.
Binigyang diin ng senador, na gustuhin man nating magsaya ng husto ngayong holiday festivities, mahalaga pa rin na matiyak na ang pagdaraos natin ng mga pagdiriwang ay may kaakibat na ibayong pagiingat.
Dahil dito, muling kinalampag ng mambabatas ang Senado na maipasa na ang Senate Bill 1144 o ang Firecrackers Prohibition Act na nag-aamyenda sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.
Sa panukalang ito ni Gatchalian, mayroong ibinibigay na exception sa mga entities na mag-o-obliga sa paggamit ng fireworks at iba pang pyrotechnic devices kung saan kinakailangan na mag-secure sila ng special permit mula sa Philippine National Police (PNP) Fire and Explosives Office at ang anumang fireworks display ay gagawin lamang ng mga propesyunal na technically-equipped ng mga kakayahan at kaalaman sa paggamit ng firecrackers.