Dahil nabitin noong 17th Congress ang imbestigasyon ng Kamara, muling inihain ni Baguio Rep. Mark Go ang resolusyon na nagpapasiyasat sa muling pagsasagawa ng MMDA ng dry run na ipagbawal ang provincial bus sa EDSA at paglilipat ng mga bus terminals sa Valenzuela, Paranaque at Sta. Rosa sa Laguna.
Muling inihain ni Go ang House Resolution 133 na humihiling na maimbestigahan ng Kamara ang hakbang ng MMDA.
Kahit nagsagawa ng pagsisiyasat noon sa pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA, hindi naman naisumite sa mga kongresista ang mga dokumento na kanilang hinihingi sa MMDA na magpapatunay na kailangan ngang i-ban ang provincial bus sa EDSA.
Iginiit ng kongresista na base sa records ng MMDA, nasa 300,000-400,000 ang mga sasakyang bumabaybay sa EDSA pero nasa 2% lamang ang mga provincial bus dito.
Paglilinaw ni Go, hindi siya kontra sa mga ginagawang paraan ng MMDA pero nais niyang maplantsa ang detalye upang hindi magdulot ng pahirap sa mga commuters.