Pagbabawal ng provincial bus sa EDSA, tinalakay sa Kamara

Tinalakay na sa Kamara ang resolusyon sa isinagawang dry-run na nagbabawal ng provincial bus sa EDSA.

 

Ipinatawag sa pagdinig ang MMDA, mga provincial bus operators at mga kongresista upang pag-usapan at hanapan ng solusyon ang matinding traffic sa EDSA.

 

Sinabi ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, ang naghain ng resolusyon sa Kamara, na nagkaroon ng dagdag pasahe sa mga pasahero mula sa Cavite nang isagawa ang dry-run na nagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA.


 

Aniya, ang dating P76 na pamasahe ng mga commuters dagdag pa ang P12 na pamasahe sa tricycle, nadagdagan pa ito ng P13 para sa sasakyan nilang jeep o bus patungo at paalis ng integrated bus terminal sa Parañaque.

 

Kinwestyon din ng mambabatas kung saan hinugot ng MMDA ang batayan na epektibo ang pagbabawal ng provincial bus sa EDSA gayong ito ay nasa 5% lamang habang ang mga city buses ay nasa 95%.

 

Depensa naman dito ni MMDA Task Force Special Operations Head Bong Nebrija, hindi naman nakadisenyo ang EDSA para magtayo ng mga bus terminals gayundin ang kawalan ng easement na magsisilbing loading at unloading ng mga pasahero ng bus at iba pang uri ng transportasyon.

 

Naniniwala naman ang kinatawan ng mga provincial bus operators na si Chavit Singson na ang problema talaga sa EDSA ay ang mga city buses na dapat disiplinahin dahil kung saan-saan sila humihinto at nagsasakay.

Facebook Comments