Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang lahat ng pulis na ipinagbabawal sa mga opisyal at tauhan ng gobyerno na maglaro sa mga casino alinsunod sa Memorandum Circular number 6 series of 2016.
Ang paalala ay ginawa ni PNP chief matapos na maaresto ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang police major sa aktong pagsusugal sa loob ng Resorts World Manila Casino, Pasay City, noong Sabado ng hapon.
Kinilala ni IMEG acting Director Police Brig. General Warren de Leon ang naaresto na si Police Major Rolando Isidoro, na naka-assign sa Personnel Holding and Accounting Section ng PNP Police Security Protection Group.
Ayon kay de Leon, ikinasa nila ang operasyon matapos na makatanggap ng tip mula sa concerned citizen na malimit makita sa naturang casino ang police official.
Matatandaan na striktong binilinan ni Gen. Azurin ang mga pulis na ‘wag masasangkot sa mga ilegal na aktibidad, partikular ang pagsusugal dahil nakakasira ito sa imahe PNP.