Nais marinig ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) na pagbawalan ang China na makapangisda sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Umaasa si Carpio na mabanggit ito ni Pangulong Duterte sa kanyang public address.
“I hope he will surprise me by saying, ‘bawal na. I will prohibit them from violating our Constitution, violating the arbitral award’. Yun lang ang hinihingi ko sa kanya. Surprise me, bawal na mangisda sa ating EEZ,” sabi ni Carpio.
Sinabi ni Carpio na maituturing itong ‘sincerity’ test para kay Pangulong Duterte para sa natitirang isang taon ng kanyang termino.
Muling iginiit ni Carpio na ang marine resources na matatagpuan sa EEZ ng Pilipinas ay dapat lamang mapakinabangan ng mga Pilipino.
“I have a very simple test for that. The Constitution says that the EEZ of the Philippines is for Filipino only. All the fish in the West Philippine Sea is for Filipino fishermen only. That’s the Constitution, that’s the Arbitral Award, that’s UNCLOS, that’s international law,” giit ni Carpio.
Paalala ni Carpio na mismong si Pangulong Duterte ang nagpahintulot sa mga mangingisdang Chinese na pumalaot sa EEZ dahil sa kasunduan niya kay Chinese President Xi Jinping.
Mismong mga Pilipinong mangingisda na ang nakikiusap sa pangulo na itigil ang fishing activities ng China sa karagatan ng Pilipinas.