Manila, Philippines – Posibleng ipagbawal ng Department of Education (DepEd) ang pagdalo ng mga kandidato sa mga graduation rites sa gitna ng campaign period.
Ito ang sinabi ni DepEd USec. Nepomuceno Malaluan kasunod ng panawagan ni COMELEC Spokesperson James Jimenez sa mga paaralan na huwag mag-imbita ng mga kandidato sa kanilang graduation rites.
Ayon sa opisyal, tatalakayin nila ang suhestiyong ito ni Jimenez sa kanilang executive committee meeting.
Sa ngayon kasi, wala pang nakasaad sa guidelines ng DepEd na bawal ang mga kandidatong magsalita sa mga graduation ceremony.
Ang bawal lang aniya ay ang paggamit ng mga kandidato sa graduation rites bilang political forum.
Ayon kay Malaluan, kabilang sa mga maituturing na pangangampanya ay ang pagsasagawa ng mga political caucus, conference, meetings, rallies, parada o iba pang kahalintulad na pagtitipon na layong makapag-solicit ng boto.
Tiniyak ni Malaluan na mahaharap sa administrative sanctions ang paaralan at mga opisyal nito kapag may nangyaring pangngampanya sa kanilang graduation rites.