Malapit nang tuluyang ipagbawal sa buong bansa ang paggamit ng plastic softdrink straw at plastic coffee stirrer.
Kasunod ito ng ginawang pag-apruba ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) na isama ang mga plastic softdrink straw at plastic coffee stirrer sa listahan ng mga non-environmentally acceptable products.
Sa isinagawang virtual en banc meeting kung saan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang presider, nakararaming miyembro ng komisyon ang pabor na ipagbawal ang mga ito.
Ayon kay Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda, dalawang dekada matapos na malikha ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, ngayon lang ito maisasakatuparan.
Maituturing ding makasaysayan ang pag-apruba dito kasabay ng paggunita ng International Straw Free Day.