Pagbabawal sa Pangangaroling sa Cagayan, Hiniling ni Gov. Mamba

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

Cauayan City, Isabela- Bagamat nakaugalian na ng maraming Pilipino ang pangangaroling sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan ay iminungkahi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na pansamantala muna itong ipagbawal dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Manuel Mamba, hiniling na nito sa Inter Agency Task Force (RIATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na ipagbawal muna ang pangangaroling ngayong pasko upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Karamihan kasi aniya sa mga nangangaroling sa kanyang probinsya ay pumapasok pa sa mga bahay-bahay at nakakarating sa iba’t-ibang lugar bagay na kanyang kinatatakutan dahil sa malaking posibilidad na lalo pang kumalat ang virus.


Ibinahagi nito na mayroon nang mga bata ang tinataman ng COVID-19 na nasa loob lamang ng kanilang tahanan at walang naging history of travel na posiblang nahawa sa mga taong asymptomatic na carrier na ng virus.

Dahil dito, minabuti na nitong iapela sa RIATF upang sila na mismo ang magsabi at magbawal sa pangangaroling ngayong taon para na rin sa kapakanan ng bawat isa.

Ayon pa sa Gobernador, dapat aniyang makontrol ang pagkalat ng virus upang hindi na lalong lumala ang kaso sa probinsya.

Sa kasalukuyan, mayroon pang 91 na aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan dahil na rin sa Local at Community transmission.

Facebook Comments