Pinababawasan ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga requirement para sa mas mabilis na pamamahagi ng benepisyo sa mga centenarian.
Sa pagdinig sa Senado kaugnay sa panukalang amyenda sa Centenarians Act, sinabi ni Gatchalian na may isang nag-apply para sa P100,000 cash gift noong 2021 pero hindi pa niya natatanggap ang benepisyo hanggang ngayon dahil hinihingan siya ng school records.
Ikinagulat ng senador kung bakit kailangan pang makuha ng isang 100-year old ang kanyang school records gayong sa tagal ng panahon ay maaaring nasunog o nabaha na ito.
Iginiit pa ng senador na dapat ay sapat na ang requirement na birth certificate o affidavit mula sa centenarian o sa panganay na anak nito para makuha ang benepisyo.
Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na susuriin nila ang naturang insidente at pag-aaralan na gawing simple na lamang ang requirements sa pagkuha ng mga centenarian ng kanilang benepisyo.