Humarap na sa pamahalaan ang mga opisyal ng Bureau of Fisheries ng China at mga kinatawan ng may-ari ng Chinese fishing vessel na bumangga sa F/B Gem-Ver1, ang motorbanca ng mga mangingisdang Filipino noong June 9, 2019.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kasama ng DOJ ang Department of Foreign Affairs (DFA) nang makipagpulong sa mga kinatawan ng China noong June 7, 2021.
Sinabi ng Kalihim na partikular na pinag-usapan dito ay ang ang actual at moral damages.
Nanindigan aniya ang Philippine panel sa paghahabol ng may-ari at mga tripulante ng F/B Gem-Ver1 para sa nasirang fishing vessel, nawalang kita, pagdurusa at hirap ng kalooban o mental na naranasan ng bawat sakay ng F/B Gem-Ver1.
Pinuna rin ng Philippine panel ang mga crew ng Chinese vessel sa naging paglabag sa pandaigdigang batas o international conventions and customary international maritime law na hindi pagtulong sa mga taong dumanas ng sakuna sa karagatan.
Sa kanilang panig, nangako naman ang mga kinatawan nang nakaaksidenteng barko ng China na ipararating sa kanilang principal o may-ari ang counter proposal ng F/B Gem-Ver1.
Makikipag-ugnayan naman ang Bureau of Fisheries ng China sa DOJ upang makatiyak na mapagkakalooban ng sapat na kompensasyon ang may-ari at mga tripulante ng F/B Gem-Ver1 sa tinamong perwisyo na dulot ng banggaan.