Pinagmamadali na ni Senator Grace Poe ang Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth sa pagbabayad sa mga public at private hospital dahil ang mga ito at mga medical frontliner ang magtatawid sa atin sa COVID-19 pandemic.
Hiling niya sa PhilHealth, isantabi ang hindi kailangang pamamaraan o proseso na makakapinsala sa kakayanan ng healthcare institutions para isagawa ang kanilang napakahalagang tungkulin lalo ngayong may pandemya.
Kailangang matugunan ng PhilHealth ang lahat ng hospital claims na hindi nabayaran gayundin ang tinatawag na ‘Return-to-Hospital (RTH) claims’ na banta sa viability ng mga ospital na ito.
Giit ng senadora, wala sa katwiran at hind katanggap-tanggap na sa gitna ng pandemya ay hindi nababayaran ng PhilHealth ang mga medisina at paggamot na ipinagkakaloob ng mga ospital sa mga nagkakasakit.
Dismayado ang opisyal na sa kabila ng pagpapalit ng liderato ng PhilHealth dahil sa nabunyag na mga sindikato rito ay hindi pa rin nareresolba hanggang ngayon ang problema nito at obligasyon sa mga ospital.