Manila, Philippines – Hindi naniniwala si Atty. Harry Roque na itinigil ng Philippine Health Insurance Corporation ang pagbabayad sa Wellmed Dialysis and Laboratory Center.
Si Roque ay abogado ng mga dating empleyado ng dialysis center na nagsiwalat na patuloy ang pangongolekta ng Wellmed ng bayad sa dialysis sa PhilHealth kahit patay na ang mga pasyente.
Unang sinabi ng PhilHealth na Nobyembre noong nakaraang taon nang kinasuhan nila ang Wellmed ng misrepresentation at falsification dahil sa modus na “ghost dialysis.”
Nasa proseso na rin ang PhilHealth para bawiin ang accreditation ng Wellmed at nitong Pebrero ay sinuspinde na rin nila ang pagbabayad dito.
Pero hindi ito tinanggap ni Roque.
Pero nilinaw ni PhilHealth Senior Vice President, Atty. Rodolfo Del Rosario – pinasuspinde nila ang pagbabayad sa Wellmed noong Pebrero pero na-lift ito noong May 28 at muling nasuspinde noong Huwebes.
Hindi pinagbigyan ng PhilHealth Accreditation Committee ang mosyon ng PhilHealth NCR na bawiin ang accreditation ng Wellmed dahil wala pang pinal na pasya ang arbitration office sa mga kaso ng Wellmed.
Dahil dito, inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilHealth na kasuhan ang mga opisyal at empleyado na sangkot sa “ghost dialysis” treatment scheme.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo – pinasusumite ang pinuno ng PhilHealth ng isang detalyadong report tungkol sa iregularidad.
Tiniyak aniya ni Pangulong Duterte na hindi palalampasin ang mga ganitong korapsyon at mahipit na ipinatutupad ang universal health care.