Pinagdodoble kayod ni Senator Grace Poe ang Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth at Department of Budget and Management (DBM) para mabayaran na ang claim ng mga ospital.
Giit ito ni Poe sa PhilHealth at DBM sa harap ng napipintong pagpapatupad muli ng Enhanced Community Quarantine o ECQ mula August 6 dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 cases lalo na ang higit na delikadong Delta Variant.
Ayon kay Poe, mahigit isang taon na ang pandemya kaya dapat ay natuto na ang DBM at PhilHealth para mapahusay ang serbisyo at huwag ng paabutin pa ng season 10 ang ECQ.
Paliwanag ni Poe, dapat may pondo ang mga ospital para makapaghanda ng kailangang supplies at mga tauhan.
Diin ni Poe, ang COVID-19 pandemic ay isang public health emergency, kaya dapat gawin ang lahat para mabayaran ang mga ospital at maibigay ang nararapat na benepisyo sa mga medical frontliner.
Ikinalungkot ni Poe na nakaka-demoralize sa panig ng mga medical worker sa pribado at pampublikong ospital na ilan sa kanila ay hindi pa rin nakakatanggap ng Special Risk Allowance (SRA) na nakapaloob sa Bayanihan 1 and 2.