Iginiit ni Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na hindi pa rin sapat ang ibinaba sa inflation rate ng bansa.
Kasunod ito ng naitala ng Philippine Statistic Authority (PSA) na 4.5% ang inflation rate ngayong Marso na mas mababa kumpara sa 4.7% noong Pebrero.
Bagama’t ikinatuwa ng ekonomistang kongresista ang pagbagal sa inflation rate, maituturing pa rin aniya itong “inadequate development”.
Nananatili pa rin kasi aniyang malaking hamon sa pamahalaan ang abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino ngayong pandemya.
Sinabi ni Salceda na mataas pa rin kasi ang presyo ng pagkain, na pumapalo sa 5.8% inflation habang ang meat inflation naman ay sumirit ang inflation sa 20.9% dahil pa rin sa African Swine Fever (ASF).
Para masolusyunan ito, suportado ni Salceda ang mga hakbang para maitaas ang Minimum Access Volume (MAV) para sa mga inaangkat na karne ng baboy at rationalization sa proseso nang importation.
Imbes din aniya na ibaba ang taripa ay panatilihin ito sa 40% at gamitin ang kita dito para sa biosecurity at safe feeding upang mapigilan ang pag-kalat ng ASF.
Para naman tuloy-tuloy ang food production, hinimok ni Salceda ang iba pang lokalidad na sundan ang Plant, Plant, Plant program ng Department of Agriculture (DA).