
Pinapa-imbestigahan ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon (BH) Party-list Rep. Bernadette Herrera sa House of Representatives ang pagbagsak ng isang poste ng itinatayong Metro Rail Transit (MRT) sa kahabaan ng West Avenue, Quezon City.
Sa inihaing House Resolution 2262 ay binigyang diin ni Herrera na nakakaalarma ang ganitong mga insidente sa major transport project site dahil delikado at maaring maglagay sa panganib ng libu-libong mga Pilipino.
Ayon kay Herrera, dahil sa insidente ay hindi maiwasan ang mga pagdududa sa kalidad ng konstruksyon at pamantayang pangkaligtasan ng mga malakihang programang pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Layunin ng imbestigasyon na isinusulong ni Herrera na matukoy kung sino ang dapat managot, ano ang naging pagkakamali sa desenyo at mga materyales na ginamit gayundin sa mga nakagawian sa mismong worksite at sa inspeksyon ng gobyerno.
Nakasaad sa resolusyon ni Herrera na pangunahing ipapatawag sa pagdinig ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), MRT Project Management Office gayundin ang mga contractor ng proyekto, subcontractors, engineers, at mga lokal na opisyal.