
Naaalarma na ang isang senador sa panibagong kaso ng pananaksak at pagkamatay ng dalawang Grade 8 na estudyante sa Las Piñas nito lamang Biyernes ng gabi.
Ayon kay Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian, malinaw na may krisis na sa hanay ng mga kabataang mag-aaral dahil pang-ilang beses na ito na may naiulat na may estudyante ang nanaksak ng kapwa estudyante.
Iginiit ni Gatchalian na hindi na dapat hintayin pang may estudyante nanamang masasawi dahil sa mga karahasan sa pagitan ng mga kabataan bago maisipang manghimasok.
Pinakikilos ng senador ang mga paaralan na mas paigtingin pa ang Good Moral and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act gayundin ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang Parent Effectiveness Service upang makatulong ang mga magulang sa paghubog sa mga mag-aaral na maging isang mabuti at responsableng mamamayan.
Kinalampag din ng mambabatas na mabigyang hustisya ang mga biktima at panahon na para harapin ang katotohanan na bigo tayong gampanan ang tungkulin sa pagpapalaki ng mga kabataang may disiplina at paggalang.