Pagbagsak ng presyo ng mga piling agricultural products, pinasisilip sa Kamara

Pinaiimbestigahan ng minorya sa Kamara ang pagbagsak sa “wholesale prices” ng mga piling produktong pang-agrikultura sa gitna ng pagtaas sa presyo ng langis at abono.

Nakasaad sa House Resolution 2513 na dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine ay naging sanhi ito ng pagtaas sa presyo ng langis at abono sa buong mundo na nakaapekto sa presyo ng lokal na langis.

Sa kabila ng tumataas na input costs, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang ilang piling agricultural produce sa napakababang halaga.


Ilang grupo ng mga magsasaka ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa malaking lugi dahil sa mababang kita gayong napakataas ng ginagastos para sa produksyon ng ani.

Napilitan ang mga magsasaka na ibenta ang presyo ng sibuyas sa halagang P20 kada kilo mula sa dating P30 hanggang P40 per kilo; repolyo sa P9 hanggang P10 kada kilo at celery P5 kada kilo.

Dahil dito ay pinakikilos sa Kamara ang House Committee on Agriculture and Food na silipin “in aid of legislation” ang pagbagsak sa wholesale prices ng agricultural products gayundin ang epekto sa kabuhayan ng mga local farmer at mga consumer.

Facebook Comments