Inaaksyunan na ng Kamara ang problema ng mga magsasaka sa pagbagsak sa presyo ng palay kasunod ng pagsisimula ng imbestigasyon dito ng House Committee on Agriculture and Food.
Ayon kay Committee Chairman Mark Enverga, batay sa mga ulat, noong Setyembre ay bumagsak ang presyo ng palay hanggang P10 kada kilo sa Oriental Mindoro habang P12 hanggang P14 naman kada kilo sa Nueva Ecija, Isabela, Camarines Sur at Ilocos Norte.
Nababahala ang kongresista dahil peligroso ang ganitong sitwasyon para sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Tinukoy ng Federation of the Free Farmers Cooperatives, Inc., ang ilan sa mga sanhi ng pagbagsak ng presyo ng palay gaya ng mura at undervalued imports, maulang panahon, at kawalan ng post-harvest facilities.
Napuna rin ng mga mambabatas ang patuloy na pagpasok ng mataas na bilang ng imported na bigas sa bansa, gayong panahon na ng anihan, dahilan kaya’t napipilitan ang mga magsasaka na ibenta sa mga traders ang kanilang aning palay sa mas mababang halaga.
Dumepensa naman ang Department of Agriculture, Bureau of Plant Industry (DA-BPI) at sinabing tinitiyak nila na ang pagdating ng angkat na bigas ay hindi matataon sa panahon ng amihan.