Tuguegarao, Cagayan – Hanggang ngayon ay nagsasagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang iba pang mga sasakyang pandagat sa lumubog na banyagang cargo ship na MV Emerald Star.
Ayon sa impormasyong nakuha ng RMN News mula kay Ginoong Rogie Sending ang Provincial Information Officer ng Cagayan, labing anim ang nasagip at may sampu pang hinahanap na mga indian nationals na tripulante ng naturang barko.
Sa ipinaabot sa Cagayan PDRRMC ni Ensign Joel Nieva, information officer ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Aparri,Cagayan, kanyang sinabi na mayroong rescue team mula sa Cagayan at Batanes at maging ang ipinadalang vessel ng kumpanyang may ari ng lumubog na barko ang nagsasagawa ng search and rescue operation.
Ayon sa PCG nakatanggap sila ng report mula sa Rescue Coordinating Center Norway, Korea Maritime Rescue Coordination Center (MRCC), Japan MRCC, at Hongkong MRCC na nagpadala ng distress alert ang barko bago ito lumubog.
Napag alaman na ang barko ay nagmula sa Hong Kong at ito ay patungong Indonesia nang ito ay maabutan ng sama ng panahon dulot ni Bagyong Odette.
Samantala, sa epekto ng bagyong Odette sa lalawigan, mayroon naitalang isang nawawala na naikilalang si Victorino Fajardo, 33 anyos ng Barangay Battalan, Lasam, Cagayan.
Ayon sa ulat, nag-tresher ng mais sa kabilang ilog at pag uwi ay sumakay sila sa bangka na sumama sa rumaragasang malakas na agos ng ilog sa Brgy Sicalao, Lasam. Nalaglag ang mga sakay sa bangka matapos na ito ay ilubog ng alibuno.
Ang bayan ng Allacapan, Cagayan sa hilagang bahagi ng lalawigan ay isinailalim na sa state of calamity dahil sa naranasang baha dulot ni Odette.
Nakaranas din ng flash flood ang Nararagan, Ballesteros, Cagayan sanhi pa rin ng naturang bagyo.
Bagamat nakalabas na ng bansa is Odette ay nakakaranas pa rin ang lalawigan ng manaka nakang pag ulan.