Cauayan City, Isabela- Binabantayan ng Office of the Civil Defense Region 2 ang sitwasyon ng pagbaha sa ilang lugar sa Cagayan dahil sa walang patid na buhos ng ulan bunsod ng shearline o tail-end ng frontal system.
Inihayag ni OCD region 2 Defense Officer Dan Michael Villamil, nararanasan ng northern section ng lalawigan ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan dahilan upang makaranas ng pagbaha ang barangay Masi, Pamplona, Cagayan dahil sa pagbabara ng mga kanal at kalauna’y bumaba ang lebel ng tubig.
Bukod dito, light vehicles lang ang maaaring dumaan sa Palauig Detour Bridge sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan habang nasa one lane ang passable sa bahagi ng D. Leaño, Claveria matapos gumuho ang lupa.
Inalerto naman ang lokal na pamahalaan sa lalawigan sa harap ng patuloy na nararanasan na pag-ulan at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.