Pinalagan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na hindi dapat isisi sa pagpapakawala ng tubig sa Angat dam ang pagbaha sa Metro Manila partikular na sa lungsod ng Marikina at Pasig.
Ayon kay PAGASA Hydrologist Richard Orendain, kailangang buksan at magpakawala ng tubig ang mga dam upang hindi ito masira.
Giit ni Orendain, kung hindi magpapakawala ng tubig ay mas magiging malala ang sitwasyon kapag nasira ang mga dam.
Kasabay nito, binigyan diin ni Orendain na walang dam sa water shed ng Pasig-Marikina Basin kaya malabo na ang dam ang dahilan ng pagbaha sa mga nasabing lungsod.
Aniya, ang walang tigil na pag-ulan na dala ng Bagyong Ulysses ang dahilan ng pagtaas ng tubig sa iba’t ibang lugar sa bansa kasama na ang Metro Manila.