Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi naman agarang ipatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang sinabi na ibabalik sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng war against illegal drugs ng administrasyon.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na ililipat niyang muli sa PNP ang war on illegal drugs sa oras na lumala pa ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi naman sinabi ni Pangulong Duterte na sa lalong madaling panahon niya ililipat sa PNP ang kapangyarihan.
Sinabi pa ni Roque na siguradong pinag-aaralan itong mabuti ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon naman aniya ay maganda ang paghawak ng Philippine Drug Enforcement Agency sa war on illegal drugs.
Nabatid naman na maraming kumokontra sa pagbalik ng war on illegal drugs sa PNP dahil sa kaliwat kanang patayan ng ito pa ang nagpapatupad sa giyera.