Pagbalik sa serbisyo sa grupo ni Supt. Marcos, delikado sa mamayang Pilipino

Manila, Philippines – Kinundena nina opposition Senators Bam Aquino at Risa Hontiveros ang pagbalik sa serbisyo nina Supt. Marvin Marcos at mga kasamahan nitong pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Giit ni Senator Bam, ang nabanggit na hakbang ay malinaw na pagkanlong ng Pambansang Pulisya ng mga kriminal na delikado sa mamayang Pilipino.

Para kay Aquino, ito rin ay pagbalewala sa mga umiiral na batas at nagpapalakas pa sa kultura ng karahasan.


Diin naman ni Senator Hontiveros, ito ay isang malaking patunay na state-sanctioned ang serye ng extrajudicial killings o EJK na nagaganap sa bansa.

Ipinaalala pa ni Hontiveros na malinaw sa findings ng National Bureau of Investigation at resulta ng imbestigasyon ng Senado na malinaw na pinagplanuhan o sinandyang patayin si Espinosa.

Kaugnay nito ay binatikos din ni Hontiveros ang pahayag ni PNP Chief General Ronald Bato Dela Rosa na mas mainam na pabalikin sa serbisyo ang grupo ni Supt. Marcos para hindi masayang ang pinapasweldo dito.

Sabi ni Hontiveros, sana ay nag-iisip ng mabuti si General Dela Rosa dahil mas magiging pagsasayang ng pera ng taongbayan kung ang pinpasweldo ay mga masasamang pulis.

Facebook Comments