Pagbalot ng ‘Packing Tape’ sa Biktima ng Vehicular Accident, Ikinadismaya ng Pamilya

Cauayan City, Isabela-Sinagot ng pamunuan ng Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC) sa Nueva Vizcaya kaugnay sa viral post na kumakalat sa social media matapos maglabas ng saloobin ang kaanak ng nasawing pasyente dahil sa umano’y kapabayaan ng mga umasikasong staff.

Base sa facebook post ni Ginang Liberty Sapipi, nasangkot ang kanyang 23-anyos na pamangkin na tubong Maddela, Quirino sa isang vehicular accident sa Bayombong, Nueva Vizcaya at isinugod sa naturang ospital kung saan kinailangan na putulin ang isang bahagi ng paa dahil sa matinding tinamong sugat.

Ayon pa sa post, minadali umano na balutin ng packing tape ang kanyang pamangkin bagay naman na itinanggi ng pamunuan ng R2TMC.


Pinaratangan din ng ginang ang pamunuan ng ospital hinggil sa sabi-sabi na swerte na lang ang makalalabas ng buhay sa pagamutan at malas kung mamamatay.

Naging mahigpit umano sa paglalagay ng tape ang mga tauhan na nag-asikaso sa katawan ng yumao nitong pamangkin na labis na ikinadismaya ng kanyang mga kaanak.

Sa opisyal na pahayag naman ng ospital, nagtamo umano ng Mangled Right Lower Extremity o matinding pinsala sa kanang paa ang biktima at pagdurugo.

Kaagad na nagdesisyon na operahan ang pasyente ng mga sumuring doktor dahil sa tindi ng pinsala mula sa kinasangkutang aksidente at kalauna’y idinala sa SARI ICU o Severe Acute Respiratory Infection para sa ventilatory support.

Base sa ginawang pagsusuri sa pasyente, nakaranas umano ng halos tatlong magkakasunod na atake sa puso ang binata matapos ang operasyon at magtamo ng bleeding complications.

Dahil sa nangyari, bumigay na ang katawan ng pasyente at idineklara na itong patay ng mga doktor.

Samantala, base sa DOH Guidelines sa pag-handle sa mga taong namamatay na Suspect, Probable at Confirmed cases ay babalutin ito ng isang tela, sunod ang paglalagay ng tape bago isilid sa cadaver bag at masigurong walang tatagas na body fluids ng pasyente bago ilagay sa freezer ng morgue.

Makalipas ang 24-oras, lumabas na rin ang negative result ng RT-PCR test ng pasyente kung kaya naman ibinigay na ito sa mga kaanak para asikasuhin ang burol.

Umani ng mahigit 24,000 shares at mahigit 10,000 comment sa Facebook ang post ng naturang Ginang.

Facebook Comments