Iginiit ni Camarines Sur Third District Representative Gabriel Bordado Jr., na mas dapat unahin na maibangon at mapalakas ang ekonomiya ng Pilipinas bago ipatupad ang paglikha ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Kumbinsido si Bordado na makatutulong ang pagkakaroon ng sovereign wealth fund para maprotektahan tayo sa mga krisis at hamon sa darating na panahon at para mapanatili ang isang matatag na ekonomiya.
Pero paliwanag ni Bordado, hindi pa napapanahon na magkaroon tayo ng MIF dahil lubog ngayon sa napakalaking utang ang ating bansa na umaabot na sa ₱13.64 trillion.
Tinukoy rin ni Bordado ang datus ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 19.99 milyong mga Pilipino ang patuloy na naghihirap na inaasahang tataas pa ang bilang.
Paliwanag ni Bordado, hindi tayo katulad ng ibang mga bansa na may surplus o sobrang budget para ipuhunan sa sovereign wealth funds.
Punto ni Bordado, kung mamadaliin ang paglikha ng MIF ay baka sa halip na makabuti ay malagay pa sa alanganin ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.