Iminungkahi ni Senator Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) sa ilalim ng papasok na Marcos administration na iprayoridad ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Gatchalian, kailangan ding tutukan ang pagpapaigting sa performance ng mga mag-aaral sa bansa.
Kaugnay nito ay isinusulong ni Gatchalian ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan, child development center at mga Alternative Learning System (ALS) community learning center pagdating ng Agosto.
Binigyang-diin pa ni Gatchalian ang pangangailangan sa mga learning recovery program na tututukan ang reading at numeracy upang matugunan ang banta ng learning loss o pag-urong ng kanilang kaalaman.
Bilang chairman ng Committee on Basic Education ay tiniyak ni Gatchalian ang kanyang pakikipagtulungan sa Department of Education na pamumunuan ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.
Sabi ni Gatchalian, ito ay para mabuksan nang ligtas ang ating mga paaralan at matiyak na maihahatid natin sa kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon.