Pagbansag sa bansa na “isis training hotspot,” hindi katanggap-tanggap ayon kay PBBM; Pilipinas, hindi pugad ng terorismo!

Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga alegasyong ginagawang training ground ng terorismo ang Pilipinas, at iginiit na matatag ang bansa laban sa banta dahil sa konkretong aksyon ng mga awtoridad at sa sakripisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa ika-90 anibersaryo ng AFP sa Camp Aguinaldo, sinabi ng Pangulo, nabuwag na ang mga teroristang grupo, at napangalagaan ang kapayapaang matagal na pinaghirapan ng bansa na naging resulta ng mga operasyon ng pamahalaan.

Hindi aniya katanggap-tanggap ang mga mapanlinlang na pahayag na minamaliit ang mga tagumpay ng Pilipinas sa usaping seguridad, at tiniyak na mananatiling alerto ang pamahalaan laban sa anumang banta sa kapayapaan.

Kinilala rin ng Pangulo ang katapangan at dedikasyon ng mga sundalong ginawaran sa okasyon, na aniya’y huwaran ng tapang at serbisyo sa bayan.

Kasabay nito, iginiit ni Marcos ang pangako ng administrasyon na palakasin ang kasundaluhan kabilang ang pagpapatupad ng bagong base pay schedule para sa military at uniformed personnel na magsisimula sa 2026.

Facebook Comments