Manila, Philippines – Ipinagpaliban ng Manila RTC Branch 26 ang pagbasa ng sakdal o arraignment laban kay Kerwin Espinosa, anak ng napaslang na si Albuera Mayor Rolando Espinosa, na kapwa nahaharap sa kaso ng ilegal na droga.
Ayon kay Judge Silvino Pampilo Jr. ng Manila Regional Trial Court Branch 26, na ang pagkaantala sa arraignment ay dahil may lulutasin pang mga mosyon na naipasa sa kanyang sala mula sa sala ni Judge Carlos Arguelles ng Baybay Leyte RTC Branch 14, ang orihinal na hukuman na humawak ng kaso laban sa mag-amang Espinosa.
Sa pagdinig kanina, ibinasura ng hukom ang kaso ng illegal drugs laban kay dating Mayor Espinosa, alinsunod sa itinatakda ng Revised Penal Code na ang kaso laban sa isang akusado ay nababasura sa sandaling sumakabilang – buhay ang akusado.
Binigyan ng limang araw ng hukom si Atty. Jonnah John Ungab, ang collaborating counsel ng depensa, na makapaghain ng Motion to Quash information na isinampa ng piskal laban sa kanyang kliyente na si Kerwin.
Binigyan din ng 5 araw ang panig ng prosekusyon na makapaghain ng Motion to Amend information laban sa mag-amang Espinosa.
Kasabay nito ay itinakda ni Judge Pampilo ang pagsalang sa arraignment sa batang Espinosa sa Oktubre 20, alas-8:30 ng umaga.
Sa nasabing petsa ay reresolbahin na rin ang Motion to Quash o ang kahilingan ng panig ng depensa na ibasura ang kaso dahil sa usapin ng hurisdiksiyon ng Baybay Leyte RTC.