Pagbasura ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa IATF, ikinatuwa ng DOH

Welcome sa Department of Health (DOH) ang pagbasura ng Korte Suprema sa mga petisyon na kumikwestiyon sa legalidad ng mga kautusan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Disease (IATF) na may kaugnayan sa COVID-19.

Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, ipinagpapasalamat niya ito dahil lahat naman aniya ng regulasyon at kautusan ng IATF ay isinaalang-alang para sa kabutihan ng mga Pilipino.

Kabilang dito ang halaga ng pagbabakuna at pagturok ng booster doses bilang depensa laban sa COVID-19.


Dahil aniya rito ay nakabuo ng immunity barrier at napalakas ang resistensya ng publiko patungo sa post-pandemic era.

Matatandaang nakasaad sa petisyon na dapat umanong ideklarang unconstitutional o labag sa batas ang mga kautusan ng IATF tulad ng mandatory vaccination, pagsusumite ng mga negative RT-PCR test kada ikalawang linggo gamit ang sariling pera ng publiko at maraming iba pa.

Ibinasura ito ng Korte Suprema dahil nilabag aniya ng mga petitioners ang Doctrine of Hierarchy of Courts, kung saan dapat ay isinampa muna ito sa mababang korte.

Facebook Comments