Pagbasura ng Olongapo court sa kasong terorismo sa dalawang Aeta, walang problema sa AFP

Tanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court na pagbasura sa Anti-Terrorism Case laban sa dalawang Aeta sa Zambales.

Ayon kay AFP Spokesperson Captain Jonathan Zata, nirerespeto nila ang ruling ng korte na pag-abswelto kina Japer Gurung at Junior Ramos na miyembro Aeta indigenous community.

Pero sa kabila nito, mananatili pa rin silang aktibo sa pagpapanagot sa mga kriminal at masasamang loob na sangkot sa terroristic activities na hadlang sa kapayapaan ng bansa.


Sinabi ni Zata, ipatutupad pa rin nila ang Anti-Terrorism Law at patuloy na makikipag ugnayan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Anti-Terrorism Council para maprotektahan ang karapatan ng mga Pilipino partikular ang mga katutubo na sinasamantala ng communist terrorist groups.

Matatandaang ang dalawang Aeta ay inakusahang miyembro ng New People’s Army at kinasuhan dahil sa pagkamatay ng isang sundalo.

Batay sa desisyon ng korte, bigo ang prosekusyon na patunayan na ang mga akusado ay nasa likod ng pagkasawi ng sundalo, sa ilalim ng Section 4 ng Anti-Terrorism Act.

Wala rin daw “consistency” ang mga pahayag ng mga sundalo at mga testigo na nagsabing nakita nila sina Gurung at Ramos nang mangyari ang sagupaan.

Facebook Comments