Pinagtibay na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbasura sa apat na disqualification case laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ngayon ay nangunguna sa partial and unofficial results ng 2022 presidential elections.
Ito ay sa botong 6-0-1 kung saan tumangging lumahok sa botohan si Comelec Commissioner George Garcia dahil sa conflict of interest.
Matatandaang naging abogado ni Marcos si Garcia sa 2016 electoral protest nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Samantala, ang mga ibinasurang petisyon ay magkakahiwalay na inihain ng Akbayan Party-List, Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA), at ng Pudno Nga Ilokano (Ang Totoong Ilokano).
Maaari pang ihabla sa Korte Suprema ang desisyon ng Comelec.