Hindi kuntento ang Kabataan party-list sa pagtanggal sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa panukalang paglikha ng Maharlika Wealth Fund (MWF).
Giit ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, ang dapat gawin ay tuluyang ibasura ang panukalang MWF dahil bukas ito sa korapsyon para umano’y payamanin lalo ang iilan.
Mas mainam para kay Manuel kung ang perang ipupuhunan sa MWF ay gamitin na lang na ayuda sa mahihirap, pagtaas ng sahod ng government employees, at pagpapahusay ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Iminungkahi ni Manuel na kung gagawa ng Maharlika Wealth Fund, ay mainam na kunin ito mula sa paniningil ng wealth tax at ill-gotten.
Punto pa ni Manuel, hindi dapat iasa sa kaduda-dudang investments at sa Maharlika Wealth Fund ang hangarin na pangmatagalang kaunlaran at kinabukasan ng kabataan.