Pagbasura sa UP-DND Accord, paglabag sa Saligang Batas

Iginiit ng Commission on Human Rights (CHR) na dapat maprotektahan ang akademikong kalayaan ng mga miyembro ng University of the Philippines (UP) community.

Ito ang reaksyon ng CHR makaraang magpasya ang Defense Department na kanselahin na nang tuluyan ang kasunduan nito sa UP dahil sa nagiging breeding ground umano ito ng mga terorista.

Ayon sa CHR, malinaw na nakasaad sa Article XIV, Section 5 ng 1987 Philippine Constitution na mayroong academic freedom ang lahat ng higher learning institutions sa bansa.


Bilang isang pampublikong akademikong institusyon, mahalagang masigurong napapanatili ang pagkakaroon ng academic freedom sa loob ng UP campuses, labas sa pangamba ng anumang uri ng paniniil mula sa Estado.

Binigyang diin pa ng CHR na ang UP-DND Accord ay isang kasunduan na nagbibigay proteksyon sa mga estudyante batay na rin sa mga prinsipyong pangkarapatang pantaong isinusulong nito.

Ayon pa sa CHR, napatunayan na sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, lalo na noong panahon ng martial law na ang UP campuses ang naging kanlungan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang porma ng karahasan laban sa mga sumasalungat sa polisiya ng pamahalaan.

Facebook Comments