Tinawag ng isang grupo ng mga abogado na ‘unconstitutional’ ang inilabas na memorandum ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga cabinet members na huwag dumalo sa mga pagdinig ng Senado.
Kaugnay ito sa pagbili ng gobyerno sa pamamagitan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management o PS-DBM ng medical supplies sa kumpanyang pharmally.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng pangulo ng Philippine Bar Association na si Atty. Rico Domingo na nilalabag nito ang tinatawag na checks and balances at ang pagkakapantay-pantay ng tatlong sangay ng pamahalaan.
Paliwanag ni Domingo, nangyari na ang ganito noong 2006 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung saan malinaw na sinabing labag sa konstitusyon na bigyan ng gag order ang mga opisyal na kinakailangang magpaliwanag sa Senado.
una nang sinabi ng Pangulong Duterte noong lunes na nilagdaan na niya ang memorandum at inakusahan din ang Senate Blue Ribbon Committee na hindi inirerespeto ang kanilang resource persons.
Samantala, kinumpirma na rin ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi na sila dadalo sa mga susunod na senate hearing pero handa silang magpadala ng mga kinakailangang dokumento sakaling hilingin ng senado.