Manila, Philippines – Balak ngayon ng Public Attorney’s Office (PAO) na gamiting ebidensiya sa mga kasong may kinalaman sa Dengvaxia ang pagbawi ng Food and Drug Administration (FDA) sa Certificate of Product Registration (CPR) ng Dengvaxia.
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, katibayan ang naging hakbang ng FDA na hindi nakasunod ang Sanofi-Pasteur dahil may mga namatay na nabakunahan.
Isusumite nila sa DOJ panel ang revocation ng CPR bilang supplemental sa 35 reklamo na kanilang inihain.
Dagdag pa ni Acosta, ang naging hakbang ng FDA ay patunay lang ng papanagutan ng mga sangkot sa mass vaccination ng Dengvaxia.
Matatandaan na noong Disyembre 21, binawi ng FDA ang CPR para sa Dengvaxia dahil sa patuloy na kabiguan ng Sanofi Pasteur na makasunod sa mga ipinag-uutos ng ahensiya at dahil dito, ipinagbabawal na ang pagbebenta at paggamit ng nasabing anti-dengue vaccine sa bansa.