Simula pa lamang ay iligal na at maling-mali ang panukalang bigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN habang nakabinbin sa Kongreso ang franchise renewal ng giant network.
Ito naging reaksyon sa interview ng RMN Manila ni Atty. Larry Gadon kasunod ng ginawang pagbawi kahapon ng Kamara sa provisional franchise ng ABS-CBN.
Ayon kay Gadon, imposibleng hindi alam ni House Speaker Alan Peter Cayetano na iligal ang pagbibigay ng provisional franchise lalo na’t isa itong abugado.
Binigyan diin ni Gadon na ang ginawang hakbang ng Kamara ay isang panlilinlang sa publiko lalo na’t halatang mayroong pansariling interes ang ilang mambabatas sa ABS-CBN.
Bunsod nito, nanawagan si Gadon na mag-inhibit na ang mga ito.
Una nang sinabi ni House Speaker Cayetano kahapon sa kanyang privilege speech na ginawa nila ang pagbawi upang magkaroon ng malalimang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN.
Napagpasyahan aniya ito matapos ang konsultasyon sa iba pang lider ng Kamara.
Dahil dito, tututok na lamang ang Kamara sa pagdinig sa 25 taong prangkisa ng network.