Pinaiimbestigahan ni Senator Imee Marcos ang pagbawi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa accreditation ng ilang pribado at pampublikong ospital.
Kaugnay ito sa mga ulat ng reklamo ng mga pasyenteng napilitang magbayad ng malaki matapos na hindi maka-avail ng PhilHealth benefits dahil binawi o sinuspinde ang akreditasyon ng mga pagamutan.
Sa Senate Resolution 545 na inihain ni Marcos ay pinarerepaso ang mga patakaran para sa accreditation ng mga ospital sa PhilHealth.
Batay sa patakaran ng PhilHealth, binabawi ang accreditation ng isang ospital kapag may natukoy na anomalya, mga reklamo, misrepresentation sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impormasyon at pagki-claim para sa pasyenteng hindi naka-admit.
Tinukoy sa resolusyon ang suspensyon at pagbawi sa PhilHealth accreditation sa mga ospital sa Soccsksargen noong 2019 gayundin ang pagsuspinde noong 2022 sa accreditation ng dalawang ospital sa Baguio City at ng isang provincial hospital ng Benguet at pagre-renew sa akreditasyon sa isang ospital sa Tuguegarao.
Batid naman ni Marcos na tama lamang na may mahigpit na patakaran ang PhilHealth ngunit dapat ay prayoridad palagi ang kapakanan ng mga pasyente partikular ang mga kapos sa pambayad.