Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbawi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa state of national emergency na umiiral sa Mindanao.
Ayon sa senador, nangangahulugan lamang na ito na matagumpay ang hakbang ng pamahalaan sa Mindanao.
Kinilala din ni Go na siya ring vice chairperson ng Senate Committee on Public Order ang mga ginagawang hakbang ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon sa paglaban sa terorismo sa rehiyon.
“Inumpisahan po ito ni dating Pangulong Duterte na labanan po ang terorismo… nagkaroon ng proclamation si dating pangulong Duterte noong 2016 dahil magulo talaga, may bombings, at nando’n pa ang Marawi Siege,” ayon sa senador.
Ayon kay Go, nagtagumpay si Duterte sa kanyang kampanya na labanan ang terorismo at kaguluhan sa Mindanao at mainam na ito ay maipagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon para marating ang long-lasting peace sa rehiyon at sa buong Pilipinas.
Ngayong binawi na aniya ang pag-iral ng state of emergency, ay mas magiging mabilis ang pagbabalik sa normal ng pamumuhay sa Mindanao at mas mahihikayat ang mga investors at turista at mas sisigla na ang ekonomiya.
Kamakailan ay hinimok ni Go ang pamahalaan na bigyang pagkilala ang naging sakripisyo ng mga frontliners gaya ng uniformed personnel at healthcare workers sa Mindanao noong kasagsagan ng pag-iral ng state of emergency at public health emergency.
Ayon kay Go marapat lamang na makatanggap sila ng komensasyon sa kanilang mga sakripisyo.