Ikinatuwa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ginawang pagbawi ng Okada Manila sa gagawing world breaking ‘Largest Balloon Drop’ na nakatakda sana sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay DENR Undersecretary for Environment and International Environment Affairs Jonas Leones, welcome sa ahensya ang ginawang pagsunod ng Okada Manila na ihinto ang binabalak na pinakamalaking balloon drop sa buong mundo.
Aniya, natutuwa sila na kinikilala ng Okada Manila ang panawagan ng publiko na ipatigil ang balloon drop dahil maiiwasan ang pag-generate ng basura na tiyak na makakasira sa kapaligiran.
Sinabi pa ni Leones na kung sakaling itinuloy pa rin ng Okada ang event ay may mga taga-DENR na pupunta para i-monitor kung may mga paglabag kahit pa indoor ang nasabing aktibidad.
Matatandaang inanunsyo kamakailan ng Okada Manila na magsasagawa ng 130,000 balloon drop sa kanilang indoor entertainment space na Cove Manila para i-break ang Guiness World Record na largest balloon drop sa buong mundo.
Pero agad ding binawi ng Okada ang event bilang pagsunod sa panawagan ng DENR na itigil ito dahil sa banta ng ‘solid waste disaster’.