Pagbebenta at pagpapainom ng alak sa mga 21 taong gulang pababa at mga “persons with mental conditions”, ipagbabawal na

Mahaharap sa mabigat na parusa ang mga magbebenta at magpapainom ng alak sa mga menor de edad at mga “persons with mental conditions”.

Sa House Bill 1753 o ang “Anti-Underage Drinking Act” na inihain nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap, layunin nito na magtakda ng “minimum legal drinking age” upang maprotektahan ang mga kabataan at mga taong may “mental conditions” laban sa masamang epekto ng mga alcoholic beverages.

Sa ilalim ng panukalang batas, tinukoy ang mga “unqualified individuals” na mga kabataang edad 21 taong gulang pababa na hindi kayang protektahan ang mga sarili mula sa pangaabuso, kapabayaan, kasamaan, pananamantala at diskriminasyon dahil sa pisikal o mental na kapansanan o kondisyon nito.


Kapag naging ganap na batas ay tuluyang ipagbabawal ang pagbili ng alak ng mga “unqualified individuals” mula sa mga vendors at iba pang sources gayundin ang pagbibigay ng nakalalasing na inumin sa mga ito.

Kapag isang “unqualified individual” ang lumabag sa panukala ay isasailalim ito sa counselling kasama ang magulang o kaya naman ay iaakyat na ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga susunod pang paglabag.

Samantala, ang mga indibidwal na nasa tamang edad o anumang establisyimento na lalabag sa batas ay mahaharap sa multang ₱50,000 o pagkakakulong ng hindi hihigit sa tatlong buwan o kaya ay pagbawi sa lisensya ng negosyo.

Facebook Comments