Aminado si dating Agriculture Secretary Manny Piñol na imposible nang makapagbenta pa ngayon ang National Food Authority (NFA) ng ₱20 kada kilo ng bigas kahit pa maibalik sa ahensya ang mandatong magbenta ng murang bigas.
Ito’y matapos ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na sertipikahang urgent ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, para muling mabago ang charter ng NFA at makapagbenta ito ng murang bigas sa publiko.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni Piñol na kung pipilitin ito ay malulugi ang NFA na hindi pabor para sa gobyerno dahil kakailanganin pang maglabas ng pondo para i-subsidize.
Sobrang taas aniya talaga ng presyo ng bigas sa panahong ito at obligasyon aniya ng gobyerno na magbigay ng pagpipilian para magkaroon ng pagkakataong makabili sila ng murang bigas.
Kung dati aniya ay may nalalapitan o napipilahan ang tao para sa murang bigas sa pamamagitan ng NFA, pero dahil sa RTL ay walang opsyon ang mga ito.