Posibleng panandalian lang ang pagbebenta ng mas murang bigas ng National Food Authority (NFA) sa ilang Kadiwa store, partikular sa Metro Manila.
Ayon kay Bantay Bigas President Cathy Estavillo, manipis na lamang kasi ang buffer stock ng NFA, dahil nasa 33,000 metriko toneladang bigas ang kinokonsumo ng bansa kada araw kung kaya’t maaaring tumagal lamang ng tatlong araw ang supply nito.
Simula rin aniya nang ipatupad ang Rice Tarrification Law, tinanggal na sa NFA ang mandato na magbenta ng murang bigas at ang pagkakaroon ng buffer stock na maaaring gamitin tuwing may kalamidad.
Pero sa kabila nito, kumbinsido pa rin si Estavillo na posible pang makapagbenta ng P20 na kada kilo ng bigas kung i-re-repeal ang Rice Tarrification Law at daragdagan ang subsidiya para sa mga magsasaka.
Samantala, Nanawagan naman ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) sa pamahalaan na sumaklolo na sa mga magsasaka ng palay.
Hinihiling ni PCAFI President Danilo Fausto, na mapababa ang presyo ng bigas para sa mga consumer pero dapat matiyak na mananatiling mataas ang farm gate price ng palay sa bansa.