Paiimbestigahan ni Senator Imee Marcos ang kwestyunableng pagbebenta ng National Food Authority (NFA) sa ilang mga traders ng bigas sa murang halaga.
Maghahain ang senadora ng resolusyon para ipasilip sa Senado ang kaduda-dudang pagbebenta ng NFA sa 75,000 sako ng bigas sa dalawang negosyante gayong maraming mga kababayan ang humihiling ng murang bigas.
Giit ni Sen. Marcos, hindi na nagagampanan ng NFA ang tungkulin nito na bumili ng palay sa mga magsasaka, panatilihin ang mababang presyo ng bigas at tiyakin ang sapat na buffer stock ng bigas.
Sa halip aniya ay panay importasyon na lang ang ginagawa ng ahensiya kung saan ang Pilipinas na ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo.
Nagbabala rin ang mambabatas na magiging mas masahol pa ang sitwasyon ng kakulangan ng bigas sa mga darating na buwan dahil sa El Niño.
Ipasusuri rin ng senadora ang mandato ng NFA upang bigyang solusyon ang malawakang kakulangan ng bigas.