Cauayan City, Isabela- Nakatakda na sa December 16 hanggang Dec. 31 ang pagbebenta ng mga firecracker vendors dito sa lungsod ng Cauayan.
Ayon kay ginoong Florencio Gannaban, ang City Planning Development Officer III, maaari nang magdisplay at magbenta ang mga negosyante ng paputok sa itinakdang araw.
Sa ngayon ay inaayos na ang mga pwesto ng mga negosyante ng paputok at mayroon na umanong dalawamput dalawa (22) ang nabigyan ng kaukulang permit mula sa bilang na 30.
Sinabi pa ni ginoong Gannaban na hihigpitan nila ang mga vendors na mag-i-stock ng maraming paputok at ang pagtitinda ng mga bawal na paputok.
batay sa Executive Ordinance No. 34 ng City Government ng Cauayan, ang mga paputok na maaring ibenta lamang ay ang Baby Rocket, Bawang, Small Triangulo, Pulling of Strings, paper caps, El Diablo, Watusi, Judah’s Belt, Sky Rocket (kwitis), Sparklers, Luces, Fountain, Jumbo Regular and Special, Mabuhay, Roman Candle, Trompilo, Airwolf, Whistle Device Butterfly o anumang uri ng pailaw.
Ang naitalagang lugar para sa mga magbebenta ng firecrackers ay sa dating lugar parin sa District I o sa harapan ng RAI Strong Builders, Maharlika Highway, Cauayan City.
Samantala, ang paghihigpit at pag-iinspeksyon sa mga paputok vendors ay pangungunahan ng Task Force Paputok na kinabibilangan ng iba’t-ibang tanggapan ng Lungsod ng Cauayan, BFP, Rescue 922 at ng PNP upang matiyak ang kaligtasan ng mga negosyante at mga bibili ng paputok.