Pagbebenta ng Pfizer COVID-19 vaccine sa mga drugstore, dapat nang payagan ng FDA

Hinimok ng isang health expert ang Food and Drug Administration (FDA) na bigyan na ng Certificate of Product Registration (CPR) sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine ng Pfizer.

Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga local government unit na makabili ng mga bakuna para sa kanilang mga residente.

Ayon pa kay Dr. Tony Leachon, makakatulong din ito para maging commercially available ang COVID-19 vaccines sa mga drug store at pharmacy kung saan doon na rin pwedeng magpaturok ang sinumang bibili.


Dahil dito, mas darami ang lugar na pwedeng puntahan ng mga nais magpabakuna na magandang istratehiya rin para mapabilis ang COVID-19 vaccination sa bansa.

“Kasi ang Pfizer full approval na e, so dapat dito, pinag-a-apply dapat ang FDA para makabili na si Mercury, si Watsons o sinumang kompanyang ‘yon para pag-reseta ng doktor, diretso na sila mismo doon sa botika, doon na sila i-inject-an at hindi sila pipila doon sa mga malakihang potential superspreader events,” paliwanag ni Leachon.

“Ang daming gustong magpabakuna katulad ng mga less than 18yrs old e, imagine, ilan ang ating estudyante, 25 million. Kapag inaprubahan ang commercialization dito no’n, o-order ngayon lahat ng drug store chain. Dadami ngayon yung mapo-protektahan particularly yung mga bata,” dagdag niya.

Facebook Comments