Walang pangangailangan sa ngayon na ipagbili ng gobyerno ang mga ari-arian nito para tugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Sa isang panayam, tiniyak ni Budget Secretary Wendel Avisado na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa mga programa nito.
Bagama’t posible ang pagbebenta ng government properties, sa ngayon ay malayo pa aniya itong mangyari.
Nabatid na aabot sa P828 billion ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic sa susunod na taon.
Kasama na rito ang para sa Department of Health (DOH) at sa pambili ng bakuna sakaling maging available na ito sa merkado.
Pagtitiyak pa ni Avisado, tukoy na tukoy na ng pamahalaan ang pagkukunan ng pondo para rito.
Noong Abril, matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ikinukonsidera niya ang pagbebenta ng mga ari-arian ng gobyerno sakaling kulangin ang pondo sa paglaban sa pandemya.
Hulyo naman nang banggitin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ibebenta ng gobyerno ang mga assets nito para ipambili ng COVID-19 vaccines.