Pagbenta sa ari-arian ng Pilipinas na nasa Japan, tinutulan ni Senator Drilon

COURTESY: SENATE OF THE PHILIPPINES FB

Kinatigan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagtutol ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. na ibenta ng Pilipinas ang ating ari-arian na nasa Japan.

Diin ni Drilon, kahit kailan ay hindi malalagyan ng presyo ang properties ng ating bansa lalo pa at may mga symbolic value ito para sa mamamayang Pilipino.

Kinabibilangan ito ng Roppongi property, Nampeidai Property, Kobe Commercial Property at Kobe Residential Property na ayon kay Drilon ay pawang sumisimbolo sa katapangan at sakripisyo ng mga Pilipino.


Tinukoy ni Drilon na base sa mga naging desisyon ng Supreme Court ay hindi maaaring ibenta ng Pangulo ang alinman sa nabanggit na properties ng Pilipinas kung walang batas na magpapahintulot dito.

Tiniyak ni Drilon na haharangin niya pagdating sa Senado ang anumang panukalang batas na ihahain para maibenta ang properties ng Pilipinas sa Japan na may taglay na historical values.

Kung kailangan ng gobyerno ng dagdag na pondo ay iminungkahi ni Drilon na ibenta ang Camp Crame at Camp Aguinaldo.

Facebook Comments