Pagbibigay galang sa watawat at mga simbolo ng bansa, mas hihigpitan

Manila, Philippines – Mahaharap sa mas mahigpit na parusa ang mga hindi susunod sa tamang paggamit ng watawat ng bansa at iba pang national official symbols.

Sa ilalim ng House Bill 5224 na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa, mahaharap sa kasong kriminal o administratibo o kaya ay makukulong ang mga hindi magbibigay respeto sa Philippine flag at mga national symbols ng bansa.

Pinatitibay ng panukala ang rules sa paggamit at pagdi-display sa mga pambansang simbolo sa ilalim ng Revised Flag and Heraldic Code.


Nakasaad sa panukala na ang mga national symbols ng bansa ay kumakatawan sa tradisyon, kalayaan at pagkamakabayan kaya dapat na sa lahat ng pagkakataon ay nirerespeto ito.

Nakasaad din sa panukala na idinedeklarang Flag Days ang May 28 hanggang June 12 kung saan ang lahat ng tanggapan ng gobyerno, negosyo at mga kahalintulad na establisyimento ay obligadong i-display o maglagay ng watawat at magobserba sa seremonya.

Para naman sa mga private at residential buildings ay pinadidisplay din ang watawat ng Pilipinas tuwing April 9-Araw ng Kagitingan, May 1- Labor Day, May 28-National Flag Day hanggang June 12-Independence Day, huling Lunes ng Agusto-National Heroes Day, November 30-Bonifacio Day, at December 30-Rizal Day.

Ipinagbabawal sa ilalim ng panukala ang paggamit sa watawat na pantabing, pantabon, gamiting pantali, gawing tablecloth, costume o anuman na makakabastos sa national flag.

Kasama din sa panukala ang tamang paggamit sa mga heraldic items at devices tulad ng national seals, logos, badges, patches, medals, pins, trophies, at maging mga imprints sa letterheads sa mga liham, envelopes at cards.

Facebook Comments